INSPEKSYON SA ₱86-M NA IMPORTED NA SIBUYAS SA MICP
Ngayong umaga, June 10, kasama natin ang Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs (BOC), at Bureau of Plant Industry (BPI) sa isinagawang inspeksyon ng 26 containers na naglalaman ng tinatayang ₱86 milyong halaga ng imported red onions sa Manila International Container Port (MICP).
Habang nabubulok ang sibuyas ng ating mga magsasaka, ito namang imported onions ay nabulok din matapos maiwan at hindi ma-claim. Kung ganito ang nangyayari, kailangan nating tanungin kung bakit may pumapasok pang ganitong kalaking volume ng imported onions sa kabila ng sapat na lokal na suplay.
Kung lehitimo ang shipment na ito, bakit iniwan na lamang at hindi na-claim? Bakit hindi binayaran ang kaukulang buwis at mga bayarin? Dapat masagot ito upang mapanagot ang mga nasa likod nito at maprotektahan ang ating mga magsasaka.
Bakit tayo mag-iimport kung marami ngang supply dito sa atin? Ito ang tanong na paulit-ulit na lumabas sa ating public hearing. Ang pagpasok ng imported onions sa panahon ng oversupply ay lalo lamang nagpapabagsak sa presyo at nagpapahirap sa ating mga magsasaka.
Hindi dapat nabubulok ang sibuyas ng ating mga magsasaka, at hindi rin dapat nasasayang ang mga produktong pumapasok sa bansa. Ang kailangan natin ay maayos na pamamahala ng suplay, mahigpit na pagpapatupad ng batas, at mga polisiyang inuuna ang kapakanan ng ating mga magsasaka.