Magsasampa ng panibagong cyber libel case si former senator Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV laban sa ilan sa 18 nagpakilalang dating bodyguard ni former congressman Zaldy Co na muling nagdawit sa kanya sa pagtanggap umano ng maletang may pera sa pagdinig ng Senado nitong Hunyo 4.
Sa interview sa kanya ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Trillanes na bukod sa umano’y dating sundalo, kasama rin sa kakasuhan niya sina Senators Alan Peter Cayetano at Rodante Marcoleta sa pag-oorganisa ng nasabing hearing.
Pinuna ni Trillanes ang paiba-ibang pahayag ng 18 former bodyguards tungkol sa pagdadawit sa kanya at sa International Criminal Court (ICC) sa isyu ng pagtanggap umano ng male-maleta ng pera mula umano sa flood control projects scandal.
“Nung una, ang sinabi, doon daw inihatid sa residence ko, anim na maleta. Tapos nung Thursday sinabi doon naman daw sa aking opisina sa Quezon City inihatid ‘yung mga maleta, anim na maleta. Doon naman sa affidavit nila, ang sabi nila, dalawang maleta ‘yung ibinigay sa ‘kin,” sabi ni Trillanes.
Marso 6, 2026 nang magsampa si Trillanes ng perjury complaints laban sa 18, bukod pa sa cyber libel complaints laban naman kina Atty. Levi Baligod, former congressman Mike Defensor, at tatlong pro-Duterte vloggers.
Pagsapit ng Marso 24, cyber libel complaints naman ang inihain ni Trillanes sa Department of Justice (DOJ) laban sa 18, nangako na bawat paglabas sa media ng mga ito ay magsasampa siya ng kaso sa kanila.
#PilipinasToday
#SonnyTrillanes #Trillanes
#AlanPeterCayetano #RodanteMarcoleta
#18ExMarines #FloodControlProjects